Hinimok ni Senador Francis Tolentino ang Commission on Elections (COMELEC) na maglatag ng alternatibong pamamaraan kung papaano makaboboto sa ilalim ng Overseas Absentee Voting (OAV) Act ang Pinoy seafarers kahit sila’y nasa laot.
Binigyang-diin ni Tolentino na dapat silipin ng COMELEC ang kalagayan ng Pinoy seafarers na napagkakaitan ng karapatang bumoto sa kadahilanang ang barko na kanilang pinagtatrabahuhan ay kadalasang nasa gitna ng karagatan.
Sa kasalukuyang proseso, maaari lamang bumoto ang mga Pinoy seafarer kung pupunta sila sa embahada o konsulado ng Pilipinas sa ilalim ng tinatawag na “30-day voting period.”
Ang problema ayon kay Tolentino, karamihan sa mga seafarer na kadalasang nasa karagatan ay kalimitang tumatagal ng anim na buwan, base na rin sa kanilang pinirmahang kontrata.
Kaya payo ni Tolentino sa COMELEC na i-deputize ang mga Pinoy na kapitan ng mga Philippine-flagged vessels na kinikilalang bahagi ng teritoryo ng bansa sa ilalim ng batas, upang pangasiwaan ang botohan sa ilalim ng OAV habang ang mga ito’y nasa gitna ng karagatan.