Pinoy surfer na nagwagi sa international competition, kinilala ng Kamara

Courtesy: Department of Tourism Philippines Facebook page

Kinilala nina Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez at Tingog Rep. Yedda Maria K. Romualdez ang world-class surfer na si Rogelio “Jay-R” Esquivel, Jr. na nagwagi ng gintong medalya sa World Surf League (WSL) Qualifying Series Padrol Longboard Classic na ginanap sa Bali, Indonesia noong Hunyo 3-4.

Sa kanyang panalo sa WSL, si Esquivel ay makakalahok na sa WSL World Longboard Tour at sya ang kauna-unahang Pilipino na nakagawa nito.

Noong Mayo, si Esquivel ay bahagi rin ng team na nagtapos sa ikaapat na puwesto sa International Surfing Association (ISA) World Longboard Championship na ginanap sa El Salvador.


Diin ni Romualdez, ang tagumpay ni Equivel ay hindi lang nagbibigay karangalan sa bansa kundi nakakatulong din sa paghikayat sa mga dayuhang turista na bisitahin ang mga surfing spots sa bansa.

Bunsod nito ay tinutulungan ng mag-asawang Romualdez si Esquivel sa mga gastusin sa kanyang pagsali sa mga kompetisyon gaya ng WSL.

Nangako rin sina Romualdez ng patuloy na suportahan sa surfing sa bansa at hinimok ang mga kabataan na sundan ang yapak ni Esquivel.

Facebook Comments