Umakyat na sa halos dalawang bilyong piso ang halaga ng pinsalang iniwan ng magnitude 7 na lindol sa Abra noong Hulyo 27.
Sa situational report ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ngayong araw, umabot na sa 2,433 ang mga nasirang imprastraktura mula sa Ilocos Region, Cagayan Valley, Central Luzon, Cordillera Administrative Region at National Capital Region.
Ang mga nasirang inprastraktura ay nagkakahalaga ng ₱1,993,069,205.
Pinakamalaking pinsala ay naitala sa Ilocos Region kung saan 1,453 infrastructure ang nasira na nagkakahalaga ng mahigit isang bilyong piso.
Sinundan ito ng CAR na may 828 damaged infrastructure na nagkakahalaga ng mahigit ₱922 million at Cagayan Valley na may 131 damaged infrastructure na nagkakahalaga naman ng mahigit ₱32 million.
Kabuuang 35,958 na mga bahay rin ang naapektuhan ng lindol kung saan 693 dito ang totally destroyed.
Hindi bababa sa 146,363 na pamilya o 533,651 indibidwal ang naapektuhan ng pagyanig mula sa 1,343 mga barangay mula sa Ilocos Region, Cagayan Valley at CAR.
Pero sa nasabing bilang, 277 pamilya o 873 indibidwal na lamang ang nananatili sa siyam na evacuation centers.
Samantala, umabot na sa ₱48,256,325.55 ang halaga ng pinsala ng lindol sa sektor ng agrikultura partikular sa Cordillera habang ₱22,700,000 sa irigasyon sa Ilocos Region at CAR.
Nananatili naman sa 11 ang bilang ng nasawi, 609 ang nasugatan habang wala nang napaulat na nawawala.
Nagdeklara na ng state of calamity ang 29 na lungsod at munisipalidad na matinding naapektuhan ng lindol.