Tinatayang umabot na sa 100% ang pinsalang idinulot ng Bagyong Odette sa Surigao City.
Ayon kay Surigao City Mayor Ernesto Matugas, maraming bahay ang nawasak dahil sa bagyo habang sarado rin ang mga kalsada dahil sa mga landslide.
Samantala, ilang bahagi ng Daang Maharlika Road sa Butuan City ang apektado ng massive landslide habang ilang pangunahing kalsada rin ang lubog sa baha.
Sa Cagayan de Oro City, sapilitan na ring inilikas ang mga residente matapos umabot hanggang dibdib ang taas ng baha partikular sa Barangay 26.
Nawalan naman ng kuryente sa buong lalawigan ng Guimaras matapos na magtumbahan ang mga puno dahil sa pagbayo ng malakas na hangin.
Inihalimbawa naman ni Bohol Governor Arthur Yap ang Bagyong Odette sa Typhoon Yolanda na tumama sa bansa noong 2013.
Aniya, daan-daang pamilya ang na-trap sa rooftop ng kanilang mga bahay dahil sa baha.
Aminado naman ang gobernador na pahirapan ang pag-rescue sa mga residente dahil mismong ang kanilang first responders ay biktima rin ng bagyo.