Sumampa na sa kabuuang ₱436 milyon ang iniwang pinsala ng Bagyong Goring at habagat sa sektor ng agrikultura at imprastraktura batay sa pinakahuling datos ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).
Sa nasabing halaga, ₱395 milyon ang pinsala ng bagyo sa agrikultura kung saan napuruhan ang Regions 2, 3 at 6.
Nasa 8,734 din na mga mangingisda at magsasaka ang apektado.
Samantala, sa imprastraktura naman ay nananatili sa ₱41.2 milyon ang iniwang pinsala ng bagyo.
Nakapagtala rin ang NDRRMC ng 482 mga nasirang tahanan kung saan 371 dito ang partially damage habang 111 ang totally damaged.
Una nang kinumpirma ng ahensya na isa na ang patay sa pananalasa ng bagyo.
Sa ngayon, lumobo pa sa 106,677 pamilya o katumbas ng 387,242 indibidwal ang naapektuhan ng bagyo mula sa pitong rehiyon sa bansa.