Umakyat pa sa ₱4.2 billion ang halaga ng pinsalang iniwan ng Bagyong Paeng sa sektor ng agrikultura.
Sa situational report ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ngayong umaga, nakapagtala ang Department of Agriculture ng ₱4,270,676,568 na production loss sa Cagayan Valley, Cordillera Administrative Region, Central Luzon, CALABARZON, MIMAROPA, Bicol Region, Western Visayas, Zamboanga Peninsula, Northern Mindanao at Bangsamoro Region.
Nasa 109,489 na mga magsasaka at mangingisda naman ang apektado ng bagyo.
Bukod sa mga nasirang pananim at sakahan, nasa 5,806 din ang napinsalang agricultural infrastructures, machineries at equipment.
Nakapagtala naman ang National Irrigation Administration ng ₱96,102,000 na halaga ng pinsala sa Cagayan Valley at Bicol Region.
Nasa 820 imprastraktura rin ang nasira ng bagyo na nagkakahalaga ng mahigit ₱4.6 billion, habang 112 kalsada at 58 tulay pa rin ang hindi madaanan.
Samantala, nadagdagan pa ang bilang ng mga nasawi bunsod ng Bagyong Paeng.
Ayon sa NDRRMC, umabot na sa 159 ang death toll, 147 ang napaulat na nasugatan habang 30 pa ang nawawala.
Sa kabuuan, nasa higit 1.3 milyong pamilya o higit 5.2 milyong indibidwal ang naapektuhan ng bagyo mula sa 9,680 mga barangay sa bansa.
Nasa 46,255 katao pa ang nananatili sa 214 evacuation centers.
Higit ₱223 million na halaga na ng tulong ang naipamahagi sa mga biktima ng bagyo.