Umakyat na sa 200 milyong piso ang halaga ng pinsalang iniwan ng Bagyong Paeng sa irigasyon ng bansa, partikular sa Mindanao.
Sa Laging Handa press briefing, sinabi ni National Irrigation Administration (NIA) Administrator Benny Antiporda, na ngayon ay nagpapatuloy ang pagpasok ng mga ulat kaugnay sa mga napinsalang irrigation system, dahil sa bagyo.
Pero, magpapatupad aniya ng mga remedy o pagtugon ang gobyerno para masiguro na magtutuloy – tuloy pa rin ang kanilang operasyon, at paghahatid ng kanilang serbisyo.
Ayon sa opisyal, hinihintay na lamang nila ang pondo para maisaayos ang mga pinsalang iniwan sa irrigation system ng bansa.
Siniguro naman ng opisyal na titiyakin ng kanilang hanay na sa mga isasagawa nilang pagsasaayos, magiging matibay ang mga ito laban sa kalimidad.