Sumampa na sa higit isang bilyong piso ang iniwang pinsala ng El Niño sa sektor ng agrikultura.
Bases sa report ng Department of Agriculture (DA) Field Programs Operational Planning Division, ang weak El Niño na nararanasan sa ilang bahagi ng bansa ay nagresulta ng pagkasira at pagkalugi ng ₱1.33 billion.
Katumbas ito ng 78,343 metric tons ng farm output.
Nasa 84,932 na magsasaka at mangingisda ang apektado ng tag-tuyot.
Aabot naman sa 70,353 na ektarya ng agricultural areas ang nasira sa Cagayan Valley, Central Visayas, Davao Region, Soccsksargen Mimaropa, at iba pa.
Sa ngayon, ang Bureau of Soils and Water Management (BSWM) at Philippine Air Forces (PAF) ay nagsagawa na ng joint area assessment para sa pre-cloud seeding operations habang cloud seeding operations para sa Region 2, 11 at 12 ay sisimulan na ngayong linggo.
Patuloy din ang field validation ng DA para sa assessment ng damage at losses.
May binuo na ring National El Niño Task Force na inatasang magplano, mag-monitor at mag-coordinate ng iba’t-ibang aktibidad upang maibsan ang epekto ng El Niño.
Naka-stand by na rin ang DA para sa paglalabas at paggamit ng quick response fund para sa rehabilitasyon ng mga lugar na naapektuhan ng El Niño.