Pinsala ng mga nagdaang bagyo sa Pangasinan, pumalo na sa higit P100-M

Umabot na sa P105.4 milyon ang naitalang pinsala sa agrikultura at imprastraktura sa Pangasinan dulot ng magkakasunod na Bagyong Mirasol, Nando, Opong, at pinalakas na habagat nitong Setyembre.

Batay sa situational report ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO), P69.8 milyon ang pinsala sa imprastraktura, na karamihan ay sa mga kalsada, road dike, at tulay.

Samantala, tinatayang P34.4 milyon ang nawalang ani sa sektor ng agrikultura, partikular sa mga palay at ilang palaisdaan, habang umabot naman sa P1.29 milyon ang pinsala sa mga alagang hayop.

Kabuuang 110,730 pamilya o katumbas ng 420,419 indibidwal mula sa 324 barangay sa 26 bayan at lungsod ang naapektuhan.

Sa tala, 175 barangay ang nakaranas ng pagbaha ngunit bumaba na ang tubig sa lahat ng lugar.

Nagpaabot ng tulong ang iba’t ibang ahensya ng pamahalaan, kabilang ang pamamahagi ng family food packs mula sa lokal na pamahalaan, hygiene kits mula sa pamahalaang panlalawigan, at dagdag na suporta mula sa Department of Public Works and Highways (DPWH) para sa mga matinding naapektuhan.

Facebook Comments