Umabot na sa P67.68 milyon ang halaga ng pinsalang idinulot ng shear line, northeast monsoon o amihan at intertropical convergence zone o ITCZ sa sektor ng agrikultura.
Batay sa report ng DA Operations Center, kabilang sa napinsala ay palay, mais, high-value crops, livestock at poultry sa MIMAROPA, Western Visayas, Eastern Visayas, Davao at SOCCSKSARGEN region.
Ang pinsala ay sumasaklaw sa 3,692 ektarya ng agricultural lands na may dami ng pagkasira sa produksyon na 472 metriko tonelada at nakaapekto sa hindi bababa sa 1,887 magsasaka.
Ang pinakamalaking bahagi ng pinsala na humigit-kumulang 86% ay mula sa rice production na may kabuuang P58.44 milyon.
Ang naitalang pagkalugi sa mga alagang hayop at manok ay nasa P4.12 milyon, high-value crops na P2.87 milyon at mais na nasa P2.23 milyon.
Tumaas ang production loss sa mga high-value crops sa 78 MT na nakaaapekto sa 65 ektarya.
Inaasahang tataas pa ang naitatalang pinsala at pagkalugi sa sektor ng agrikultura habang nagpapatuloy ang pagkalap ng report ng DA sa mga lugar na apektado ng weather systems.