PINSALA SA AGRIKULTURA SA LA UNION, PUMALO NA SA HIGIT ISANG MILYON

Pumalo na sa PHP1.4 milyon ang inisyal na pinsala sa sektor ng agrikultura sa lalawigan ng La Union dulot ng Severe Tropical Storm Crising at Habagat, ayon sa La Union Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO).

Ayon kay David Ken Salamanca, officer-in-charge ng PDRRMO, tinatayang 281.8 ektarya ng mga palayan sa mga bayan ng Bacnotan, Bangar, at Agoo ang naapektuhan ng kalamidad.

Sa naturang ulat, tinatayang nasa 2,506 pamilya o katumbas ng 8,471 katao ang naapektuhan ng bagyo, kung saan nasa 240 pamilya o 920 indibidwal ang inilikas. Karamihan sa kanila ay nakabalik na sa kani-kanilang tirahan.

Nakapagtala rin ng pagbaha, bahagyang pagguho ng lupa, at mga nabuwal na punongkahoy sa iba’t ibang bahagi ng lalawigan.

Isang bahay naman sa bayan ng Bangar ang tuluyang nasira, habang walo pa ang bahagyang napinsala sa mga bayan ng Bacnotan, Balaoan, San Juan, Aringay, Bauang, at sa Lungsod ng San Fernando.

Simula pa noong Hulyo 18, isinailalim na sa red alert status ang buong lalawigan.

Ginamit naman ang lahat ng available na rescue vehicles at kagamitan sa operasyon, kabilang ang isang ambulansya, tatlong high-lift off-road vehicles, isang utility vehicle, isang transport vehicle, isang boom truck, isang rescue truck, isang jetski, at tatlong rubber boats.

Namahagi rin ng mga relief pack para sa mga apektadong residente. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments