Cauayan City, Isabela-Tinatayang nasa mahigit P10 milyon ang inisyal na pinsala sa mga pangunahing kalsada sa Probinsya ng Cagayan bunsod ng naranasang pag-uulan dahil sa Bagyong Carina.
Ayon kay Ginoong Wilson Valdez, Regional Information Officer-DPWH2, ilan sa mga pinsala ay ang mga daluyan ng tubig sa mga daan, pagguho ng lupa sa ilang bahagi ng kalsada sa unang distrito ng Cagayan at ang hindi madaanan na kanang lane ng Junction Gattaran.
Aniya, may ilang pinsala din sa ibang bayan ng Cagayan gaya ng Alcala dahil naman sa pagbitak ng ilang parte ng kalsada.
Hinihintay pa sa ngayon ang ilan pang report na magmumula sa iba’t ibang district engineering office para sa tinamong pinsala ng bagyo.
Bukod dito, passable na ang lahat ng mga pangunahing kalsada sa buong lalawigan dahil sa patuloy na clearing operation ng mga awtoridad.