PINSALA SA MGA NAGDAANG BAGYO SA PANGASINAN, PUMALO NA SA HIGIT 100 MILYON

Umabot na sa PHP105.4 milyon ang naitalang pinsala sa agrikultura at imprastraktura sa lalawigan ng Pangasinan dulot ng magkakasunod na sama ng panahon—ang mga bagyong Mirasol, Nando, Opong at ang pinalakas na habagat nitong Setyembre, ayon sa Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO).

Batay sa situational report ng PDRRMO, PHP69.8 milyon ang pinsala sa imprastraktura, na karamihan ay sa mga kalsada, road dike, at tulay.

Samantala, tinatayang PHP34.4 milyon ang nawalang ani sa sektor ng agrikultura, partikular sa mga palay at ilang palaisdaan, habang umabot naman sa PHP1.29 milyon ang pinsala sa mga alagang hayop.

Kabuuang 110,730 pamilya o katumbas ng 420,419 indibidwal mula sa 324 barangay sa 26 bayan at lungsod ang naapektuhan.

Sa tala, 175 barangay ang nakaranas ng pagbaha ngunit bumaba na ang tubig sa lahat ng lugar.

Nagpaabot ng tulong ang iba’t ibang ahensya ng pamahalaan—kabilang ang pamamahagi ng family food packs mula sa lokal na pamahalaan, hygiene kits mula sa pamahalaang panlalawigan, at dagdag na suporta mula sa Department of Public Works and Highways (DPWH) para sa mga matinding naapektuhan. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments