Halos hindi napakinabangan ng ilang tobacco farmers sa Region 1 ang ani nila matapos sirain ng mga pag-ulan at pagbaha ang kanilang pananim nitong nakalipas na Linggo.
Ayon kay National Tobacco Administrator Robert Victor Seares Jr., nasa 1,132 ektarya ng tobacco farms ang lumubog sa baha at aabot sa P81 milyon ang halaga ng pinsala.
Apektado rin ang 600 magsasaka sa walong tobacco-growing municipalities sa Pangasinan.
Base sa ulat ng Farm Technology and Services Department, umabot sa kabuuang 4,209 tobacco contract growers ang naapektuhan na karamihan ay mula sa farm areas ng Ilocos Sur at La Union.
Ilan pa sa mga napinsalang taniman ng tabako ay sa Abra, Isabela at Cagayan.
Tiniyak naman ni Seares na bibigyan nila ng tulong pinansyal at livelihood assistance ang mga tobacco farmer para makabawi sa kanilang pagkalugi.