Pumalo na sa P1.1 bilyon ang halaga ng pinsalang iniwan ng Bagyong Rolly sa sektor ng agrikultura.
Sa pulong balitaan kanina, iniulat ni Agriculture Secretary William Dar na kabuuang 242,000 ektaryang palayan naman ang naisalba sa Regions 1, 2, 3, CALABARZON at Bicol bago pa tumama ang bagyo.
Katumbas ito ng 1 million metric tons (MT) na produksyong palay na nagkakahalaga ng P16.9 billion.
Bukod dito, nasa 11,000 ektaryang maisan din ang naisalba sa Regions 1, 2, Bicol Region at Eastern Visayas na may equivalent production na 45,703 MT na nagkakahalaga ng P579 million.
Ayon kay Dar, handa ang ahensya para ayudahan ang mga magsasaka at mangingisdang naapektuhan ng bagyo gaya ng pamamahagi ng buto ng palay, mais, gulay, native chickens at fish fingerlings.
May P400 milyong quick response fund din ang ahensya para sa rehabilitasyon ng mga lugar na nasira ng bagyo.
Kasabay nito, tiniyak din ng kalihim na may sapat na suplay ng bigas sa mga apektadong lugar.