Thursday, January 15, 2026

PINTOR SA ARINGAY, LA UNION, NAHULIHAN NG ISANG GRAMO NG SHABU

Arestado ang isang 52 anyos na pintor at residente ng Aringay, La Union matapos mahulihan ng isang gramo ng hinihinalang shabu sa ikinasang buy-bust operation kahapon, Enero 14, 2026.

Batay sa ulat ng pulisya, isinagawa ang operasyon bandang alas-nuebe hanggang alas-dies ng umaga ng Aringay Municipal Police Station (Aringay MPS), katuwang ang iba pang yunit ng La Union Police Provincial Office at sa koordinasyon ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Region 1.

Nakumpiska mula sa suspek ang isang gramo ng pinaghihinalaang shabu na may tinatayang halaga na ₱6,800, na nakasilid sa isang plastic sachet.

Nasamsam din sa operasyon ang buy-bust money, isang kahon ng posporo, at isang cellular phone na umano’y ginamit sa transaksyon.

Isinagawa ang marking at inventory ng mga ebidensya sa mismong lugar ng operasyon sa presensya ng mga mandatoryong saksi at ng suspek, alinsunod sa mga itinakdang pamamaraan ng batas.

Sa kasalukuyan, nasa kustodiya ng Aringay MPS ang suspek at inihahanda na ang kaukulang kaso laban sa kanya kaugnay ng paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Facebook Comments