Manila, Philippines – Pinuna ng grupong Lawyers for Commuters’ Safety and Protection (LCSP) ang iminumungkahi ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na ipagbawal na ng mga LGUs ang paggamit sa tricycle bilang school service.
Ayon sa commuter’s group, maraming mag-aaral ang umaasa sa tricycle sa tuwing sila ay papasok at pauwi dito man sa siyudad o sa mga probinsya kaya’t imposibleng ipagbawal ang pagsakay dito dahil lamang sa ‘safety issues.’
Paliwanag ni LCSP Founding President at dating LTFRB Board Member Atty. Ariel Inton, pwede naman munang regulasyon at mahigpit na enforcement ang naisip na solusyon ng regulatory agency sa halip na ipagbawal ang tricycle bilang school service.
Dagdag pa ni Atty. Inton, ang kawalan ng mahigit na regulasyon at enforcement ang dahilan kung bakit nagiging delikado ang pagsakay sa tricycle kabilang na ang mga kadalasang problema gaya ng overloading, hindi tamang paniningil ng pasahe at pagdaan sa mga national highways.
Kung wala aniyang ordinansa na ipinagbabawal ito ay dapat siguraduhin ng mga local governments na hindi umaabuso ang mga tsuper ng tricycle sa kanilang mga mananakay.
Sakali namang maisabatas, mungkahi pa ni Inton dapat matiyak na may passenger insurance ang mga pasahero at dapat ay kwalipikadong driver lang ang mga nagmamaneho ng tricycle.