Manila, Philippines – Pinuna ng Commission on Audit (COA) ang National Food Authority o NFA dahil sa pagpabor nito sa ilang rice trader para sa alokasyon ng bigas noong 2017.
Batay sa audit report ng COA, natuklasan sa mga lalawigan ng Ilocos Norte, Ilocos Sur at Cavite na ilang rice trader ang pinabayaan ng NFA na makakuha ng supply ng bigas na sobra sa kanilang maximum weekly allocation.
Giit ng COA, hindi nasunod rito ang weekly allocation na nagresulta sa hindi pantay na pamamahagi ng bigas.
Naging pabor rin anila ito sa mga piling retailer na posibleng naging dahilan ng diversion ng stocks.
Pinakamalaki anilang pasobra sa maximum weekly allocation sa traders sa Ilocos Norte kung saan may retailer na kinilala lang sa inisyal na S.M na nakapagwithdraw ng 5,772 sako ng bigas na mas marami sa 477 lang na alokasyon.
Nakapag-withdraw naman ang retailer na may inisyal na N-M-P-C ng 3,120 sako kahit na 309 sako na bigas lang ang kaniyang alokasyon.
Mayroon namang retailer na may inisyal na A.B na nakakuha ng 4,578 sako ng bigas pero 503 sako lang ang kaniyang alokasyon.
Maliban sa mga ito, may 14 pang mga retailer ang sobrang nakakuha ng supply ng bigas.
Dahil dito, inatasan naman ang COA ang NFA na mahigpit na sundin ang standard operating procedure sa distribusyon sa bigas.