PINUNA | Rekomendasyon ni Speaker GMA na kumalas ang Pilipinas sa IPU, binatikos ng ilang mambabatas

Manila, Philippines – Nanawagan sina Bayan Muna Rep. Carlos Isagani Zarate at ACT Teachers Rep. Antonio Tinio sa Senado na huwag sundin ang utos ni Speaker Gloria Arroyo na kumalas ang bansa sa Inter-Parliamentary Union (IPU) bunsod ng alegasyon na panghihimasok umano sa soberenya at judicial process sa bansa.

Paliwanag ni Zarate, hindi nangingialam ang IPU sa proseso ng hustisya ng bansa kundi pinupuna lamang nito ang kanilang obserbasyon at nagbibigay rekomendasyon kaugnay sa pagatake sa mga mambabatas na kritiko sa pamahalaan.

Ganito din aniya ang ginawa ng IPU noon sa kaso ng BATASAN 6 at MAKABAYAN 4 nang igiit ang karapatan ng mga progresibong mambabatas.


Ayon naman kay Tinio, tinawag lamang ng IPU ang pansin ng kanilang counterpart sa Kongreso dahil sa hindi paggiit sa indpendence ng Kapulungan para protektahan ang karapatan ng mga opposition Senators Leila de Lima at Antonio Trillanes IV.

Sinampahan sina de Lima at Trillanes ng mga politically-motivated charges para tumahimik ang mga ito sa pagbatikos sa administrasyon.

Hindi aniya mapipigil ang panghihimasok ng IPU lalo na kung mga karapatan na kinikilala ng international community ang nalalabag.

Dagdag pa ni Zarate, hindi dapat balat-sibuyas ang mga lider at sa halip hayaan ang mga myembro ng Kongreso na ipahayag ang kanilang opinyon ito man ay pabor o kontra sa pamahalaan.

Facebook Comments