Pinuno ng 5th Infantry Division ng Phil. Army, Binalaan ang Rebeldeng Grupo

Cauayan City, Isabela- Nagbabala ang pinuno ng 5th Infantry Star Division Philippine Army sa mga komunistang grupo na huwag nang idamay pa ang mga kabataan sa kanilang walang kabuluhang ipinaglalaban.

Ito ay dahil isa nang bangkay ang itinuturing na child warrior na si Leo Teñoso Lucas alyas Titan/Mio o mas kilala bilang Kumander Rocky na tubong Casambalangan, Sta. Ana, Cagayan.

Sa edad na 16 nang malinlang umano ito ng Communist NPA Terrorists kung saan taong 2012 ng sumampa ito sa kilusan, ayon na rin sa kanyang ina na si Ginang Lorna Teñoso Leliza.


Bukod sa kanya, isang aktibong estudyante ng Polytechnic University of the Philippines (PUP) naman si Geian Espeña alyas Marlon na tubong San Jose, Del Monte, Bulacan na kumukuha ng kursong Bachelor of Arts in Theater Arts sa nasabing unibersidad ng maging ganap na aktibistang komunista sa ilalim ng Sinagbayan-PUP hanggang taong 2020 ng tuluyan na itong maging full-time member ng teroristang NPA bilang Political Guide.

Matatandaan na nagkaroon ng engkwentro sa pagitan ng tropa ng pamahalaan at mga Communist NPA Terrorist noong ika-21 ng Setyembre taong kasalukuyan sa bulubunduking bahagi ng Barangay Dungeg, Sta. Teresita, Cagayan na ikinasawi ng limang miyembro ng East Front Committee – Henry Abraham Command, Komiteng Probinsiya Cagayan.
Samantala, nakikipag-ugnayan na ang pamilya ni Marlon sa mga awtoridad kung paano maiuuwi ang labi nito sa kanilang tahanan.

Nakiusap naman si MGen. Laurence Mina, Commander ng 5th Infantry Division, Philippine Army sa mga kabataan na gamitin umano ang kanilang husay at talino sa tamang paraan imbes na makiisa sa komunistang grupo.

May panawagan rin ito sa mga magulang na maiging bantayan ang kani-kanilang mga anak upang hindi matulad sa kinahinatnan ng mga estudyanteng nalinlang ng mga progresibong kaalyado ng teroristang NPA.

Facebook Comments