Hinimok ni Senate President Francis Escudero ang bawat pinuno ng mga ahensya ng gobyerno na sumailalim pa rin sa proseso ng pag-apruba ng budget para sa susunod na taon.
Kaugnay na rin ito sa hindi pagsipot ni Vice President Sara Duterte sa budget hearing ng Office of the Vice President (OVP) sa Kamara dahilan kaya ipinagpaliban ang pagpapasa rito ng House Committee on Appropriations.
Ayon kay Escudero, anuman ang mga pangamba, biases, at pagkiling ay marapat na dumaan pa rin sa budget process ang lahat ng mga head ng bawat ahensya at hayaan ang Kongreso na gawin ang tungkulin nito batay sa mandato ng Konstitusyon.
Umaasa si Escudero na mareresolba rin ang hindi pagkakasundo ng OVP at ng Kamara kung saan isa sa kanila ay dapat na umatras, isantabi ang mga pagkakaiba, at sumunod sa proseso upang sa huli ay mapagdesisyunan na ito agad ng Kongreso.
Naniniwala ang Senate President na kahit mukhang “nonchalant” ang Vice President, nakatitiyak siyang may pakialam din si Duterte sa mga programa at proyekto na mismong siya ang nagsulong.
Bagama’t may kakayahan ang Kamara na i-zero budget ang ilang ahensya, pero hindi pa naman nangyari ito kahit kailan sa OVP o kahit sa alinmang ahensya ng pamahalaan.