Mariing pinabulaanan ni Civil Service Commission (CSC) Chairperson Alicia Dela Rosa-Bala ang mali at mapanlinlang na pahayag na binitawan sa pagdinig sa Kamara na nagbigay umano siya ng payo sa mga opisyal nito na ipitin ang impormasyon tungkol sa mga nakabinbing kaso ng PhilHealth officials sa komisyon.
Ang tinutukoy ni Bala ay ang testimonya ni CSC Commissioner Aileen Lizada sa joint hearing ng Committee on Public Accounts at Committee on Good Government.
Sinabi ni Lizada sa joint panel na pinayuhan ni Bala ang CSC officials na huwag maglabas ng impormasyon tungkol sa mga kaso laban sa PhilHealth officials at personnel.
Sa press statement, sinabi ni Bala na labis niyang itinatanggi ang mga alegasyon ni Lizada at iginiit na wala siyang inilalabas na utos.
Dagdag pa ni Bala na tumatalima sila sa sub-judice rule kung saan pinagbabawal ang pagkomento o magpahayag sa anumang nagpapatuloy na judicial proceedings para maiwasan ang prejudging sa issue, pag-iimpluwensya sa korte at obstruction of justice lalo sa mga kasong nakabinbin sa kanilang tanggapan.
Hindi rin kailanman nakiusap si Bala sa sinumang CSC official o employee na iipit ang impormasyon.