Cauayan City, Isabela- Kinumpirma ng medical chief ng Cagayan Valley Medical Center (CVMC) na mayroon nang local transmission ng Cronavirus Disease (COVID-19) sa Lambak ng Cagayan.
Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Dr. Glenn Matthew Baggao, pinuno ng CVMC, sinabi nito na nakapagtala na ang DOH region 02 ng mga health workers na nagpositibo sa COVID-19 matapos na asikasuhin ang naunang COVID-19 Patients na may travel history sa National Capital Region.
Mapapansin din aniya na patuloy ngayon ang pagtaas ng bilang ng kaso ng COVID-19 sa Rehiyon dos mula nang ipatupad ang ‘Balik Probinsya Program’ ng pamahalaan para sa mga Locally Stranded Individuals (LSI) at mga Returning Overseas Filipino (ROF’s).
Gayunman, naniniwala si Dr. Baggao na napaghandaan ng provincial government ang pagdating ng mga LSI’s at ROF’s na kung saan ay sinusuri aniya ang mga itinayong quarantine facilities para sa mga ito.
Mahigpit din naman aniya ang pagbabantay sa quarantine control checkpoint sa bayan ng Cordon upang matiyak na walang mga nakalulusot na makapasok sa Lalawigan na hindi dumaan sa health protocol.
Tiniyak din naman aniya ng mga provincial government na maisailalim sa rapid at swab test ang mga umuuwing LSI’s at ROF’s upang matiyak na COVID- 9 free ang mga ito.
Muli naman itong nagpaalala sa publiko na makiisa at sumunod sa mga health and safety protocols upang malabanan ang nakamamatay na sakit.