Pinuno ng CVMC, Nagboluntaryong Unang Maturukan ng Sinovac Vaccine sa Rehiyon

*Cauayan City, Isabela- *Nais ni Dr. Glenn Matthew Baggao, medical chief ng Cagayan Valley Medical Center (CVMC) na siya ang unang matuturukan ng COVID-19 vaccine sakaling available na ang bakuna sa rehiyon dos na inaasahang darating ngayong unang Linggo ng buwan ng Marso.

Kanyang sinabi na magboboluntaryo itong magpapabakuna ng Sinovac vaccine upang mahikayat ang lahat ng mga opisyales at kawani ng CVMC na gayahin ang kanyang gagawin at para lalong maging ligtas ang lahat ng nagtatrabaho sa pinakamalaking pagamutan sa rehiyon.

Ito ay para hindi rin aniya katakutan ng ibang tao na nangangamba sa pagpapabakuna.


Kaugnay nito, ibinahagi ng Duktor na sasailalim muna siya sa isinaad na proseso ng pagbabakuna para masigurado na siya ay ligtas sa bakunang kanyang matatanggap.

Dadaan aniya sa registration ang sinumang magpapabakuna, pagkatapos ay magkakaroon ng counselling at screening ang bawat mababakunahan.

Magkakaroon din ng qualification ang mga magpapabakuna dahil mula edad 19 hanggang 59 na taong gulang lamang ang dapat mabakunahan ng Sinovac vaccine.

Pero, kung gusto ng isang kawani ng CVMC na magpabakuna at lampas na ito sa requirement na edad ay kailangan muna nitong humingi ng clearance mula sa kani-kanilang doktor bago mabakunahan.

Matapos mabakunahan ang isang indibidwal ay mailalagay muna ito sa isang kwarto ng ospital upang maobserbahan ng isa o higit sa isang oras upang malaman ang epekto nito sa kanyang katawan.

Dagdag pa ng Duktor, kasalukuyan nang nagsasagawa ng survey ang CVMC sa lahat ng kawani nito at mahigit 50% mula sa kabuuang bilang na 2,482 na kawani ng CVMC ang nagsabi ng kanilang intensyon na mabakunahan.

Sa kabuuan ay mabibigyan ng 5,312 na COVID-19 vaccine ang Rehiyon Dos at 2,482 nito ay ibibigay sa CVMC.

Facebook Comments