Hindi sang ayon si Dr. Nina Gloriani, pinuno ng vaccine expert panel sa inaasahang pagpapatupad ng gobyerno ng boluntaryong pagsusuot na lamang ng face mask sa buong bansa.
Sa Laging Handa public briefing, sinabi ni Gloriani na kung siya ang tatanungin, mas maiging hintayin na munang maging matatag o ma-stabilize ang kaso ng COVID-19.
Sa kasalukuyan kasi aniya ay baba-taas pa ang sitwasyon ng COVID-19 at hindi pa nakikitang steady ito sa mababang trend.
Bukod dito, mababa pa aniya ang antas ng mga nabigyan na ng booster shot.
Lubhang kailangan aniya ng booster shot para maiangat ang proteksyon ng mga Pilipino laban sa Omicron.
Para kay Gloriani hindi niya nakikitang problema ang pagsusuot ng face mask kaya sana aniya ay ituloy tuloy na muna ito at bantayan ang magiging trend ng kaso lalo na sa mga may edad o senior citizens, may comorbidity, immuno compromised individuals at mga bata.