Manila, Philippines – Nagpahayag ng tuwa at papuri kay Pangulong Rodrigo Duterte ang ilang Senador kaugnay sa ginawa nitong pagso-sori sa Diyos.
Sa tingin ni Senator Sonny Angara, naka-implwensya kay Pangulong Duterte ang pakikipagpulong nito kay Jesus is Lord movement Leader Brother Eddie Villanueva.
Ipinunto ni Angara na mahalaga sa karamihan ng mga pilipino ang Diyos at ang kanilang relihiyon kahit pa may umiiral na separation sa pagitan ng gobyerno at simbahan.
Umaasa naman si Senator Joel Villanueva na kaya na tayong akayin ngayon ni Pangulong Duterte patungo sa pagkakaisa at pagrespeto sa paniniwala at relihiyon ng bawat isa at pagtutok din sa mga polisya na mag-aangat sa ating lipunan.
Napatunayan naman ni Senator Panfilo Ping Lacson, na hindi parin nagbabago ang pagkakakilala niya noon kay Pangulong Duterte na marunong tumanggap ng pagkakamali at humingi ng tawad.
Kasabay nito ay hiniling ni Lacson ang patuloy na pagdarasal para sa kaliwanagan ni Pangulong Duterte.
Naniniwala si Lacson, na katulad niya ay mananatili din ang suporta kay Pangulong Duterte ng mga kababayan natin na may matibay na pananalig sa Diyos.