Manila, Philippines – Hinihintay na lamang ang pirma ni Pangulong Duterte para tuluyang maging ganap na batas ang HIV-aids policy act.
Ayon kay House Majority Leader Rolando Andaya Jr., sa oras na maging batas na ito ay hihigpitan ang polisiya at palalakasin pa ang kampanya laban sa HIV-aids.
Layunin ng panukala na hindi man mawakasan ay mabawasan ang bilang ng mga kaso ng HIV-aids sa bansa.
Inaamyendahan din ng panukala ang RA 8504 o ang Philippine National Aids and Control Act of 1998.
Sa kasalukuyan ay umabot na sa mahigit 50,000 ang mga Pilipinong may sakit na HIV-aids o katumbas ng 31 Pilipino ang nahahawaan ng sakit na ito kada araw.
Batay naman sa report ng Philippine National Aids Council (PNAC), kung hindi magagawan ng paraan ng gobyerno na pigilan ang pagkalat ng naturang sakit ay posibleng tumaas sa 250,000 ang mga kaso ng may HIV-aids pagsapit ng 2030.