Piracy at iba pang high seas crimes sa Asya, tumaas; karamihan sa mga insidente, kagagawan ng ASG

Sa kabila ng COVID-19 pandemic, tumaas ang mga kaso ng pamimirata at iba pang krimen sa mga karagatan sa Asya sa unang pitong buwan ng 2020.

Sa report ng Virginia-based open source data analysis company na Babel Street, nakasaad na karamihan sa mga high seas crimes ay kinasasangkutan ng Abu Sayyaf Group.

Ayon sa author ng report na si McDaniel Wicker, dating US Air Force Intelligence Officer, ang tumataas na kaso ng mga krimen sa Asian waters partikular sa Sulu Sea at coastal areas sa katimugan ng Pilipinas ay maaaring may implikasyon sa seguridad.


Sa datos mula sa regional anti-piracy coalition, nasa 50 insidente na ng piracy, armed robbery at kidnapping ang naitala ngayong taon na doble ng bilang na naitala sa kaparehong panahon noong 2019.

Ito rin ang pinakamataas na bilang na naitala simula noong 2016.

Una nang sinabi ni Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief General Gilbert Gapay na target ng militar na mapulbos ang asg ngayong taon.

Sa ngayon, nakatutok ang militar sa pagtugis sa teroristang grupo na nag-o-operate sa Basilan at Sulu.

Facebook Comments