Aminado si People’s Initiative for Reform, Modernization and Action (PIRMA) Lead Convenor Noel Oñate na malaki ang naging tulong ng mga kongresista para maisakatuparan nila ang People’s Initiative para sa Charter change (Cha-cha).
Kasunod na rin ito ng pag-amin ni Oñate sa mga senador na nakipagpulong siya kay Speaker Martin Romualdez at kay Appropriations Chairman Zaldy Co noong Enero matapos ipakita sa pagdinig ng Senate Committee on Electoral Reforms ang screenshot ng larawan ng naturang pulong para sa People’s Initiative.
Ayon kay Oñate, malaking tulong ang naibibigay ng mga kongresista lalo na sa pagtukoy kung saan sila kukuha ng maraming lagda.
Bagama’t ginawa na nila ang pangangalap ng pirma noon ay natagalan naman sila sa proseso hindi tulad ngayon na mas mabilis dahil sa ibinigay na tulong ng mga kongresista.
Partikular aniya sa malaking tulong na naibigay ng mga kongresista ay itinuro sa kanila na targetin ang class D & E sa populasyon ng mga distrito dahil dito mas maraming makukuhang lagda.
Naunang inamin naman ni Oñate na administrative at advisory assistance ang ibinigay na tulong sa kanya ni Speaker Martin Romualdez para maisakatuparan ang People’s Initiative.