Manila, Philippines – Inatasan na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang lahat ng tanggapan ng Pamahalaan sa ilalim ng Executive Department pati na ang mga Government Owned and Controlled Corporations o GOCCs at ang mga State Universities and Colleges sa buong bansa na ipatupad ang Philippine Anti-Illegal Drugs Strategy o PADS sa kanilang mga tanggapan.
Sa ilalim ng Executive Order number 66 na nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte na inilabas naman ngayong araw ng Malacañang ay inaatasan ang lahat ng mga tanggapan ng Pamahalaan kabilang ang mga GOCCs at SUCs na bumuo ng kani-kanilang mga operational plan para sa pagpapatupad ng PADS at isumite ito ng hindi lalampas sa 60 araw sa Dangerous Drugs Board o DDB na siya namang mangunguna sa pagpapatupad ng PADS.
Nakasaad din sa nasabing Executive Order (EO) na kailangang bumuo at magpatupad ang mga tanggapan ng pamahalaan ng Drug Free Workplace Program at Authorized Drug Testing na kailangang sumusunod sa lahat ng mga umiiral na batas at sa saligang batas.
Inaatasan din ni Pangulong Duterte ang mga Local Government Units (LGUs) na bumuo at magpatupad ng kanilang sariling Operational Plans at isumite din ito sa DDB.
Hinihikayat din naman ng Executive Order (EO) ang pribadong sector na suportahan at tularan ang ipinatutupad ng Pamahalaan sa pagpapatupad ang pag-institutionalize ng Philippine Anti-Illegal Drugs Strategy (PADS).