PIRMADO NA | MOU na mas magpo-protekta sa mga OFW sa Kuwait, nilagdaan na

Manila, Philippines – Pinirmahan na ng Pilipinas at Kuwait ang kasunduan na magbibigay ng dagdag na proteksyon sa mga Overseas Filipino Worker (OFW) sa Middle East.

Ayon kay Foreign Affairs Secretary Alan Peter Cayetano, pinirmahan ng mga opisyal ng Pilipinas at Kuwait ang Memorandum of Understanding (MOU) na tinatawag na “Agreement on the Employment of Domestic Workers between the Philippines and Kuwait”.

Aniya, kabilang sa mga probisyon ng kasunduan ang pagkakaroon ng 24/7 hotline kung saan pwedeng mag-report ang mga Overseas Filipino Worker (OFW) ng pag-abuso gayundin ang special police unit na tutugon sa nasabing reklamo.


Itinakda ng Pilipinas ang kasunduan sa Kuwait na isang kundisyon sa pagtanggal ng deployment ban sa naturang gulf state.

Ipinatupad ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagbabawal ng pagpapadala ng mga Filipino worker sa Kuwait dahil sa magkakasunod na pag-abuso sa mga Pinoy kabilang na ang kaso ni Joanna Demafelis.

Matatandaang nagka-iringan ang Pilipinas at Kuwait dahil sa pagkalat ng video ng pagliligtas ng mga tauhan ng Philippine Embassy sa Kuwait sa ilang Pinay Domestic Workers.

Nagresulta ito sa pagpapalayas ng Kuwait sa Ambasador ng Pilipinas na si Renato Villa at ang pag-recall naman ng kanilang ambassador dito sa bansa.

Facebook Comments