Pista ng Itim na Nazareno, nananatiling mapayapa

Kahit may pandemya at patuloy ang pagdagsa ng mga tao sa Quiapo Church, nananatiling mapayapa hanggang sa mga oras na ito ang Pista ng Itim na Nazareno.

Sinabi ito ni Fr. Douglas Badong na siyang Parochial Vicar ng Minor Basilica of the Black Nazarene.

Ayon kay Fr. Badong, nakikipag-ugnayan naman ang mga deboto ng Itim na Nazareno at matiyagang naghihintay na sila ay papasukin sa loob ng simabahan ng Quiapo.


Sabi ni Fr. Badong, hanggang alas-10:00 mamayang gabi ang huling misa para sa kapistahan ng Itim na Nazareno na sinimulan kaninang alas-4:30 ng madaling araw at sumatutal ay 15 misa ang idaraos ngayong araw.

Binanggit din ni Fr. Badong ang mahigpit na pagtutulungan ng Manila Police District (MPD), National Capital Region Police Office (NCRPO) at mga hijos para mapanatili ang maayos na sitwasyon at lalong lalo na para maipatupad ang health protocols.

Bukod sa mga pulis ay may mga hijos din sa loob at labas ng simbahan ng Quiapo ang lumilibot na may dalang placards at nagpapaalala ng mga pag-iingat laban sa COVID-19 tulad ng pagsusuot ng face mask, face shield at pagsasagawa ng social distancing.

Namamahagi rin sila ng face mask sa mga deboto na nagmula naman sa Manila Public Employment Service Office.

Facebook Comments