PISTA NG QUIAPO | Seguridad, ikinasa na ng Manila Police

Manila Philippines – Preparado na ang Manila Police District sa ipatutupad na seguridad sa gaganaping traslacion o pista ng Black Nazarene sa Enero 9.

Ayon kay MPD Spokesman Supt. Erwin Margarejo, magpapakalat ng 5,000 pulis at karagdagang 1,500 augmentation forces mula sa ibang rehiyon.

Makakatulong aniya ang karagdagang 1,500 na pulis na magmumula sa National Capital Region Police Office at sa iba pang rehiyon para matiyak ang kaligtasan sa kabuuan ng kapistahan.


Si NCRPO Chief, Director Oscar Albayalde ang commander ng task group nazareno, habang si MPD Director, Chief Supt. Joel Coronel ang magsisilbi namang ground commander sa araw ng kapistahan.

Paliwanag ni Margarejo na kasama sa tututukan ng tatlong sub-task group ang Plaza Miranda, Quirino Grandstand at ang ruta ng prusisyon; gayundin ang daloy ng traffic, anti-criminality, public order, pagtiyak sa seguridad ng transportasyon, komunikasyon, power system at mga mahahalagang imprastraktura.

Ang sub-task group din ang mangangasiwa sa lahat ng mga emergency response team na ilalatag sa lahat ng mga lugar at ruta ng traslacion.

Noong nakalipas na taon, umabot sa 15 milyon ang mga debotong nakiisa sa mismong araw ng traslacion at inaasahan nilang ngayong taong ito ay madaragdagan ng isa hanggang tatlong milyon ang mga daragsang deboto sa araw ng pista.

Facebook Comments