Hindi hihirit ng panibagong dagdag-pasahe sa jeep ang grupong PISTON.
Ito ay kahit tumaas na naman ng higit dalawang piso ang presyo ng kada litro ng diesel at gasolina ngayong araw.
Ayon kay PISTON President Mody Floranda, kung magtataas sila ng pamasahe ay maaapektuhan naman ang mga manggagawa na maliit lang din ang sweldo.
Sa halip, nanawagan ang grupo sa Kongreso na suspendihin muna ang fuel excise tax.
Samantala, nauunawaan naman ni Floranda ang panawagang “surge fee” tuwing rush hour ng iba pa nilang kasamahan sa transport sector.
Pero tingin niya, mas kailangang tutukan ng gobyerno ang pagrebisa sa Oil Deregulation Law na aniya’y patuloy na nagpapahirap sa mga tsuper.
“Kinikilala po natin yung posisyon ng ating mga kasama sa sektor ng public transport dahil karapatan din ng mga driver at operator yung usapin na dagdag kita para at least matugunan ang pangangailangan ng kanilang pamilya,” ani Floranda sa panayam ng RMN DZXL 558.
“Pero nakatingin tayo dun sa paano ng aba matutugunan yung pangangailangan hindi lamang ng aming sektor kundi ng kabuuan. Kaya ang mas ano po natin ay kailangang rebisahin ng gobyerno, ng Kongreso yung usapin ng probisyon sa Oil Deregulation Law kasi ito po yung sanhi ng patuloy na pagpapahirap sa hanay ng public transport,” punto niya.