PISTON, kinondena ang insidente ng umano’y pananakit ng ilang miyembro ng MANIBELA sa isang radio reporter

Kinondena ng grupong PISTON ang umano’y pananakit ng ilang miyembro ng grupong MANIBELA sa radio reporter na si Val Gonzales matapos itong magbalita habang isinasagawa ang kilos-protesta ng naturang transport group sa harap ng tanggapan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) kahapon.

Ayon kay Ruben Baylon, Deputy Secretary-General ng PISTON, taliwas ito sa prinsipyo ng kanilang grupo dahil kahit papaano ay kaalyado ng grupo ang hanay ng media sa pagbibigay ng patas at maayos na balita sa publiko.

Aniya, nagiging katuwang nila at ng ilang transport group ang mga media upang ipahatid ang mga hinaing at saloobin na nais nilang ipaabot sa pamahalaan.


Giit pa ni Baylon, sana’y hindi na maulit ang insidente at mas mainam na may koordinasyon sa ibang transport sector at maging maayos ang lahat ng pagkilos.

Nabatid na ang pahayag ni Baylon ay kasunod ng ikinasa nilang kilos-protesta sa Korte Suprema para muling ipanawagan na maglabas ng temporary restraining order kontra sa ipinatutupad na Public Transport Modernization Program.

Facebook Comments