PISTON, nagbabala ng tigil-pasada sa harap ng walang prenong oil price hike

Nagbabala ng tigil-pasada ang ilang transport group kasunod ng walang prenong taas-presyo sa mga produktong petrolyo.

Ayon kay PISTON national president Ka Mody Floranda, hindi malayong mauwi sila sa tigil-pasada kung hindi mapagbibigyan ng kasalukuyang administrasyon ang hiling nilang suspendihin muna ang fuel excise tax.

“Hindi maiwasan talaga na humantong po tayo sa tigil-pasada bagama’t sabi nga natin e masusi nating pinag-aaralan, dahil nga sa kalagayan natin sa kasalukuyan, talagang panahon pa ng pandemic. Pero kung talagang wala na tayong atrasan na pakinggan tayo ng gobyerno e hindi po malalayo yung isa na sinasabi nga na tigil-pasada,” ani Floranda sa panayam ng DZXL 558 RMN Manila.


Maliban dito, muli ring umapela ang grupo sa Land Transpotation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na aksyunan na ang inihain nilang petisyon hinggil sa pagbabalik ng pisong provisional increase sa pamasahe sa jeep.

Aniya, wala na talaga silang naiuuwing kita sa pamamasada matapos na pumelo na sa mahigit P80 ang presyo ng kada litro ng petrolyo.

Samantala, hinamon din ng PISTON ang papasok na administrasyong Marcos na kaagad rebisahin ang mga probisyon hinggil sa batas sa buwis sa produktong petrolyo.

Umaasa rin ang grupo na maisasakatuparan ng bagong administrasyon ang mga ipinapanukala nitong solusyon upang matugunan ang epekto ng sunod-sunod na oil price hike kung hindi man nito ipupursige ang hiling nilang suspendihin muna ang fuel excise tax.

Facebook Comments