PISTON, Tutol sa Ilang Guidelines na Inilabas ng LTFRB!

Cauayan City, Isabela- Tinutulan ng Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Opereytor Nationwide (PISTON) ang ilang guidelines na inilabas ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ngayong isinailalim na sa General Community Quarantine (GCQ) ang ilang lugar sa Luzon.

Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Ginoong Emeritus George San Mateo, Chairman ng PISTON, base aniya sa ilang guidelines na inilabas ng LTFRB, malinaw aniya na ang tinutukoy lamang na maaaring bumiyahe ngayong nasa ‘new normal’ na ay mga modernong dyip, mga bus at UV express.

Dahil dito, parang tinanggalan na rin aniya ng tyansa na bumiyahe ang mga tradisyunal na dyip sa mga lugar na nasa ilalim ng GCQ.


Idinepensa naman nito na ligtas pang gamitin ang mga tradisyunal na jeep na taliwas sa mga sinasabing hindi na ito safe gamitin at mas delikado pa aniyang gamitin ang mga sasakyang may aircon dahil maiiwan lamang ang virus sa loob.

Naniniwala si Ginoong San Mateo na ginamit ang krisis para itulak ang modernization na hindi naman aniya akma sa nararanasang sitwasyon ngayon dulot ng COVID-19 pandemic.

Wala naman aniya silang pagtutol sa ibang guidelines ng LTFRB kaugnay sa mga protocols para sa kaligtasan ng mga pasahero para makaiwas sa sakit na COVID-19.

Dagdag dito, umaapela ang PISTON sa gobyerno na magkaroon ng subsidiya para hindi naman malugi ang mga mamamasadang tsuper ng dyip.

 

Facebook Comments