Sa kabila ng deadline ngayong araw sa franchise consolidation para sa PUV Modernization Program, tuloy ang pasada bukas ng mga miyembro ng grupong Piston.
Ito ay kahit na ituturing na ng pamahalaan na mga colorum ang mga jeep na bigong mag-consolidate o lumahok sa mga kooperatiba sa ilalim ng PUV Modernization Program.
Ayon kay Piston Deputy Secretary General Ruben Baylon, kailangan pa rin sila ng taumbayan dahil kaunti lang ang mga pumapasadang modern jeep.
Kahapon, naghain ang grupo ng petisyon sa Korte Suprema para madaliin ang paglalabas ng Temporary Restraining Order (TRO) laban sa programa.
Sakali kasing mailabas ang desisyon pagkatapos ngayong araw, wala na rin anila itong bisa hindi gaya kapag nagpatupad ng TRO kung saan maaaring mapalawig pa ang pagbiyahe ng mga unconsolidated jeep sa loob ng ilang buwan.
Sa ngayon habang wala pang desisyon, patuloy na nananawagan ang grupo kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na ibasura na ang programa lalo na’t malulubog lamang umano sa utang ang mga tsuper at operator ng jeep.
Sa panig naman ng Department of Transportation (DOTr), magbibigay sila ng “due process” kung saan hindi agad aarestuhin ang mga hindi nakapag-consolidate na jeep na magtatangka pa ring bumiyahe bukas.