Labis na ikinalungkot ng isang pamilya sa United States ang pagkamatay ng alagang walong-buwan gulang na pit bull, matapos iligtas ang dalawang bata mula sa makamandag na ahas nakaraang Lunes, Setyembre 23.
Kuwento ng ama ng dalawang bata na si Gary Richardson sa Fox News, naglilinis ang mga bata ng pakainan ng asong si Zeus sa labas ng kanilang bahay sa Sumter County, Florida, nang namataan ang ahas.
Bigla na lang umanong inatake ng alaga ang ahas na papalapit sa mga bata.
Agad dinala ng pamilya sa beterinaryo sa Ocala si Zeus na natuklaw nang apat na beses.
Ngunit kahit na nabigyan ng antivenom, nasawi ang alaga sa sumunod na araw matapos ang insidente, ayon sa ulat.
Bahagi na ng pamilya si Zeus simula nang ipanganak ito noong Enero.
“Pit bulls are the most loyal dog I know of, and I’ve had a lot of different animals in my life,” ani Gina Richardson, ina ng mga bata.
“If you find (a pit bull) that’s aggressive, most likely, it’s because they weren’t treated right,” dagdag niya.
“If you treat them right, they would give their life for you and I owe my son’s life to him.”