Pito sa bawat 10 pamilyang Pilipino, natanggap na ang cash aid mula sa gobyerno – SWS Survey

Natanggap na ng mayorya ng mga pamilyang Pilipino ang kanilang financial assistance mula sa pamahalaan ngayong COVID-19 pandemic.

Batay sa survey ng Social Weather Stations (SWS) nitong Setyembre, 71% ng mga benepisyaryo ay natanggap na ang kanilang cash aid.

Hindi ito nalalayo sa 72% na naitala noong Hulyo.


Lumabas din sa survey na 67% ng mga pamilya ang nagsabing isang beses lamang sila nakatanggap ng ayuda habang 29% ang nagsabing dalawang beses sila nakatanggap ng tulong mula sa pamahalaan.

Nasa tatlong porsyento ang naghayag na tatlong beses sila nakatanggap ng ayuda, habang isang poryento ang nagsabing apat na beses silang nakatanggap ng cash assistance.

Umabot naman sa 0.21% ang limang beses na nakatanggap ng ayuda mula sa gobyero.

Nasa 71% naman ang naghayag na ang kanilang pamilya ay naabutan ng ₱7,531 na average cash aid mula nang magsimula ng pandemya.

Bukod dito, mas malawak at madalas ang pamamahagi ng ayuda ng gobyerno sa Metro Manila (82%), kasunod ang Visayas (73%), Balance Luzon (70%) at Mindanao (64%).

Mataas din ang natatanggap na ayuda ng mga pamilya sa Metro Manila na may average na ₱11,024, sa Balance Luzon ay nasa ₱7,481, Visayas ay may average na ₱6,833 at sa Mindanao ay nabibigyan ng average na ₱5,664.

Ang survey ay isinagawa mula September 17 hanggang 20 gamit ang mobile phone at computer-assisted telephone interviewing sa 1,249 Filipinos.

Facebook Comments