Pitong ahensya ng pamahalaan, sasalang ngayong buong linggo sa budget hearing ng Kamara

Dahil sa special non-working holiday ngayon ay bukas, August 22, muling magpapatuloy ang pagbusisi ng kamara sa panukalang pambansang pondo para sa susunod na taon ng bawat departamento ng gobyerno.

Ngayong buong linggo ay pitong ahensya ang nakatakdang sumalang sa budget hearing na pinangungunahan ng House Committee on Appropriations.

Kinabibilangan ito ng Department of Agriculture (DA), Department of Justice (DOJ), Commission on Higher Education (CHED), Commission on Audit (COA), Department of Trade and Industry (DTI), Department of Labor and employment (DOLE) at Department of Migrant Workers (DMW).


Paliwanag ni Speaker Ferdinand Martin Romualdez ang matinding pagbusisi na ginagawa ngayon ng Kamara sa bawat piso sa pondong nakalaan sa bawat ahensya ay paraan ng pagtiyak na walang masasayang sa buwis na ibinayad ng taumbayan.

Una ng sinabi ni Romualdez na titiyakin ng Kamara na ang 2024 national budget na nagkakahalaga ng P5.768 trillion pesos ay gagastusin ng pamahalaan sa mga nararapat na proyekto at serbisyo sa mamamayan.

Binanggit naman ng chairman ng committee na si Ako Bicol Party-list Representative Elizaldy Co na alinsunod sa Saligang Batas, ang Department of Education (DepEd) pa rin ang nilaanan ng pinakamalaking pondo sa susunod na taon, kasunod ang Department of Public Ways and Highways (DPWH) at ang Department of Health (DOH).

Facebook Comments