Pitong bayan sa Bohol, isinailalim sa areas of immediate concern kaugnay sa 2022 national elections

Pinangalanan ng Bohol Police Provincial Office (BPPO) ang pitong bayan sa probinsya ng Bohol na nasa election hotspots para sa 2022 presidential elections.

Isinailalim sa orange category o areas of immediate concern ang mga bayan ng Balilihan, Tubigon, Clarin, Inabanga, Batuan, Bilar At Sevilla dahil na rin sa presensya ng mga rebeldeng New Peoples Army (NPA) at private armed groups.

Nabatid na tatlong kategorya sa election watchlist areas ang inilabas ng Commission on Elections (Comelec) para sa kanilang classification ng election hotspots.


Ito ay ang areas of concern, areas of immediate concern, at areas of grave concern.

Samantala, labing walong bayan din sa probinsya ang nasa ilalim naman ng category yellow o areas of concern dahil na rin sa mga insidente ng election-related violence sa mga nakalipas na halalan.

Ito ay ang mga bayan ng Antequera, Baclayon, Calape, Catigbian, Bien Unido, Buenavista, Danao, Sagbayan, San Isidro, San Miguel, Talibon, Trinidad, Ubay, Carmen, Garcia Hernandez, Guindulman, Mabini at Pilar.

Habang 23 bayan ang nasa category green na itinuturing bilang walang security concerns o generally peaceful.

Wala namang bayan sa probinsya ang nasa red category o areas of grave concern.

Facebook Comments