Lumagda sa Confidentiality Data Agreement (CDA) ang pitong kumpanya para vaccine trials ng kanilang mga bakuna laban sa COVID-19.
Sa ilalim ng kasunduan, ibibigay nila ang kumpletong impormasyon hinggil sa kanilang candidate COVID-19 vaccines na ire-review ng Vaccine Expert Panel para sa posibleng pagsasagawa ng clinical trials sa bansa.
Sa Laging Handa Press Briefing, sinabi ni Department of Science and Technology (DOST) Secretary Fortunato Dela Peña, ang Gamaleya National Research Center for Epidemiology and Microbiology na siyang manufacturer ng ‘Sputnik V’ vaccine ang unang lalagda ng CDA kasama ang Russian Direct Investment Fund, na siyang magpopondo rito.
Ang limang iba pa ay mula sa Estados Unidos, Australia, Adimmune Corporation mula sa Taiwan, Sinovac Biotech at Sinopharm na kapwa mula sa China.
Sinabi ni Dela Peña na ang Vaccine Expert Panelo na bahagi ng Sub-Technical Group for Vaccine Development ay pag-aaralan ang mga datos na ibinigay ng mga kumpanya at para malaman kung maganda ang mga lumabas na resulta.
Ipapadala nila ito sa Food and Drug Administration (FDA) na siyang mag-aapruba sa pagsasagawa ng clinical trials.
Dalawa ang uri ng vaccine clinical trials, una ay ang Solidarity Trial ng World Health Organization (WHO) kung saan 80 bansa ang kalahok kabilang ang Pilipinas na inaasahang magsisimula sa Nobyembre at magtatagal ng hanggang anim na buwan.
Ikalawa ay ang independent trials na isinasagawa sa Pilipinas.
Inaprubahan na rin ng Inter-Agency Task Force (IATF) ang rekomendasyon ng DOST kung saan isasagawa ang vaccine trials, anim na trial sites sa Metro Manila, isa sa Calabarzon at isa sa Cebu.