Pitong lungsod sa NCR, nakikitaan ng pagtaas ng COVID cases – DOH

Nakitaan ng Department of Health (DOH) ng pagtaas ng mga kaso ng COVID-19 ang pitong lugar sa National Capital Region (NCR).

Kasama sa mga nakitaan ng pagbabago ng trend sa two week growth rate ay ang Manila, Makati, Mandaluyong, Muntinlupa, Malabon, Navotas at San Juan.

Ayon kay DOH Epidemiology Bureau Director Alethea de Guzman, ang Navotas City ang may pinakamataas na two week growth rate na umabot sa 116%, sinundan ito ng Malabon, Mandaluyong at Makati.


Habang ang Makati at San Juan aniya ang itinuturing na “high risk” dahil na rin sa mataas na health care at intensive care unit (ICU) utilization rate.

Bumaba naman ang trend sa Cagayan Valley at Mimaropa habang nag-plateau ang mga kaso sa Cordillera Administrative Region, Calabarzon at Bicol region.

Pinag-iingat naman DOH ang Ilocos Region at Central Luzon, na kasalukuyang pataas ang trend.

Nag-plateau na rin na ang kaso sa Visayas, Western at Central Visayas habang pababa ang trend sa Eastern Visayas.

Bumaba naman ang mga kaso sa lahat ng rehiyon sa Mindanao maliban sa Soccsksargen.

Facebook Comments