Pitong magkakamag-anak, patay sa sunog sa isang residential area sa Taytay, Rizal

Patay ang pitong magkakamag-anak habang isa ang sugatan sa nangyaring sunog isang residential area sa Barangay San Juan, Taytay, Rizal kagabi ng Sabado de Gloria.

Ayon kay Taytay Fire Marshall Inspector Raymond Cantillon, sa ngayon ay kinikilala pa ng mga awtoridad ang mga nasawi.

Nagsimula ang sunog ng alas-9:47 ng gabi na sa loob pa lang ng 15 minuto ang itinaas na sa ikatlong alarma.


Idineklara naman na fire out na ng bandang alas-11:05 ng gabi.

Sinabi ni Cantillon na nag-overheat na electric fan ang itinuturong posibleng sanhi ng sunog.

Nasa 60 pamilya ang naapektuhan ng sunog na tumupok sa 40 bahay.

Habang, tinatayang nasa mahigit P1.5 milyon ang halaga ng mga ari-ariang natupok sa nangyaring sunog.

Samantala, makalipas ang dalawang oras ay sumiklab din ang sunog sa Barangay Dolores sa bayan pa rin ng Taytay bandang alas-1:37 ng madaling araw ngayong Linggo ng Pagkabuhay.

Ayon sa BFP, halos dalawang oras din tumagal ang sunog kung saan mabilis kumalat ito dahil gawa sa light materials ang mga nasabing bahay.

Wala naman nasaktan o nasawi sa sunog habang tinatayang nasa 90 pamilya naman ang nawalan ng tirahan.

Aabot naman sa P1 milyon ang halaga ng mga bahay at ari-arian na tinupok ng sunog.

Facebook Comments