Inutos na ni Philippine National Police (PNP) Chief General Guillermo Eleazar sa Regional Director ng Police Regional Office 8 at Director ng Integrity Monitoring and Enforcement Group (IMEG) na isailalim sa restrictive custody ang pitong pulis na umano’y sangkot sa pagpatay kay Calbayog City Mayor Ronaldo Aquino noong March 8, 2021.
Ito ay matapos ang isinampang kasong murder at frustrated murder laban sa pitong pulis ng National Bureau of Investigation (NBI) sa Department of Justice (DOJ) batay na rin sa 53 statements, CCTV footage ng insidente at iba pang impormasyong nakuha mula sa cellphones.
Ayon kay Eleazar, haharapin nila ang kasong isinampa sa kanila at sinisuguro niyang hindi pagtatakpan ng PNP ang mga pulis na ito.
Tiniyak din ni Eleazar na maihaharap nila ang pitong pulis sa anumang imbestigasyon kabilang na ang pagdinig ng Senado.