
Sugatan ang pitong pulis sa naganap na clearing operation sa mga nasunugang kabahayan sa NIA Road sa Barangay Pinyahan, Quezon City.
Umulan ng mga bato at bote kanina sa lugar mula sa mga residente habang nanggigiba ang backhoe at mga demolition team na armado ng bareta at maso sa mga natirang istraktura ng mga nasunog na bahay sa lugar.
Ayon kay Police Lieutenant Colonel Zachary Cappellan, station commander ng Kamuning Police Station 10, may lima ring residente ang naaresto na sangkot sa pambabato.
Ayon naman kay Atty. Jay Conejero, chief ng local housing department, hindi matatawag na demolition ang nangyayari ngayon kundi isa itong clearing operation.
Hindi na kasi umano pwedeng balikan o muling tirhan ang mga nasunugang bahay kaya gigibain na ang mga ito.
Tatayuan na umano ang lugar ng pitong vertical housing units na may pitong palapag.
Nabigyan na rin umano ng cash assistance ang mga registered owners, sharers, at renters.
Target naman na makumpleto ang itatayong vertical housing units at prayoridad na magbenepisyo ang mga lehitimong may-ari ng bahay sa lugar.









