
Pitong sibilyang informer sa Pagadian City ang tumangap ng mahigit sa ₱1.18 milyon na cash incentives mula sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa ilalim ng programang Operation: Private Eye.
Ayon sa PDEA, ito ay nagbibigay-diin sa mahalagang papel ng mga ordinaryong mamamayan sa pinaigting na kampanya ng bansa laban sa ilegal na droga.
Itinago sa mga code names at pinagsuot ng face mask ang 7 na tumanggap ng gantimpala para sa kanilang proteksyon.
Sa 7 private eye, ang may codename na “Junix” ang naging ugat upang madakip sa isinagawang buy-bust operation ng PDEA nuong august 19, 2025 sa Brgy. Canelar, Zamboanga City ang isang drug personality na nakumpiskahan ng ₱27.18-M na halaga ng shabu.
Ayon kay PDEA Deputy Director General for Operations, Assistant Secretary Renato Gumban, ang laban kontra ilegal na droga ay isang shared responsibility na nakasentro sa tiwala, pagkakaisa at katapangan ng mga mamamayang handang manindigan.
Kanyang binigyang diin na ang kanilang katapangan ay direktang nag-ambag sa pagliligtas ng buhay at pagprotekta sa mga komunidad.










