Tuwing Mahal na Araw, isang tradisyunal na debosyon ng mga Katoliko ang Visita Iglesia, kung saan ang mga mananampalataya ay bumibisita sa iba’t ibang simbahan upang magnilay-nilay at magdasal.
Isa sa mga dinarayo ng mga deboto ay ang mga simbahan sa Pangasinan.
Kabilang na rito ang makasaysayan at mapaghimalang Minor Basilica of Our Lady of Manaoag na ginawaran bilang “Basilica Minore” noong 2014 ni Pope Francis. Inuugnay sa Mahal na Birhen ng Manaoag ang maraming Milagro at paggaling ng mga indibidwal.
Ang St. Hyacinth Parish sa San Jacinto, isa sa mga pinakamatandang simbahan sa lalawigan na itinatag noong 1598.
Sa bayan naman ng Mangaldan, ang St. Thomas Aquinas na patron ng karunugan, karamihan sa deboto nito ay mga mag-aaral. Tampok sa simbahan ang mga daang taong gulang na likhang kamay na mga sining ng 13 istasyon ng krus na nakasabit sa loob ng mga pader ng simbahan.
Sa Lungsod ng Dagupan, matatagpuan naman sa Burgos Street ang St. John the Evangelist Cathedral na kinilala ng Vatican noong 2012 na may spiritual “bond of affinity” sa Papal Basilica of Saint Paul Outside the Walls sa Roma. Sa likod lamang ng St. John the Evangelist matatagpuan ang Santuario de San Juan Evangelista na kilala bilang Old Dagupan Church na itinatag noong 1590.
Ang pang-anim na simbahan na maaring bisitahin sa Pangasinan ay ang St. Peter and Paul Parish na mayroong mahalagang pamanang pangkultura na may estilong baroque. Kinilala ang simbahan bilang mahusay na napreserba at idineklara bilang National Cultural Treasure ng National Museum of the Philippines at National Commission for Culture and the arts noong 2001.
Samantala, isa pang maaring puntahan ay ang Minor Basilica of St. Dominic na matatagpuan sa San Carlos City. Noong 2023 iginawad ang naturang titulo at kinikilala na isa sa pinakamalaking simbahan sa Pilipinas. Ito ang kauna-unahan at natatanging minor basilica sa ilalim ng patronahe ni San Domingo sa buong Asya at ikalima sa buong mundo. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨