Benito Soliven, Isabela – Ligtas na sa bingit ng kamatayan ang pitong sundalo na myembro ng 86th Infantry Battalion na nakipagbakbakan kahapon sa tinatayang dalawampung myembro ng New People’s Army sa Brgy. Mabbayad, Echague. Isabela.
Ang mga sugatan na ngayon ay nagpapagaling na sa pribadong pagamutan dito sa lungsod ng Cauayan ay kinilalang sina Sergeant Frezer Ma-anao, Corporal Maurin Paul Garan, Randy Puyao, Murphy Liyac, Melvin Gines, Private First Class Eliezer Obiasca at Private Jone Punghan.
Ayon kay Lt.Col Remigio Dulatre Commanding Officer ng 86th IB na nakasagupa ng kanyang tropa ang mga NPA pasado alas singko ng madaling araw kahapon habang nagsasagawa ng foot patrol ang tropa sa naturang brgy matapos na makatanggap ng impormasyon mula sa mga mamayan kaugnay sa umanoy presensiya ng makakaliwang pangkat sa lugar na nagdudulot ng takot sa mamamayan.
Ang engkwentro ay tumagal ng mahigit dalawampong minuto na ikinasugat ng pitong sundalo at hindi pa mabilang na myembro ng New People’s Army batay narin sa mga bakas ng dugong iniwan ng mga tumakas na NPA.
Sa ngayon ay patuloy pa ang clearing operation ng kasundaluhan sa lugar at naglatag narin ng mga checkpoint at blocking force ang magkakasanib na pwersa ng PNP at AFP sa kalapit na lugar upang masukol ang mga tumakas na rebelde.
Matatandaan na nagkaroon ng sunud-sunod na engkwentro ang tropa ng pamahalan at mga NPA sa Dicamay Dos sa Jones,at sa Barangay Benguet, Echague, Isabela nitong nakalipas na linggo ngunit walang naitalang nasugatan sa magkabilang panig.